ni Jimmuel Naval
Pa-pag!
Pa-pag!
Pa-pag kayo riyan!
Maghapon na siyang sumisigaw. Halos hindi napapagod bagama’t bumubukal ang pawis sa buong katawan. Pilit pa ring inilalako ang tanging batis ng ikinabubuhay. Tinahak na niya ang maraming kalsada, mga di-kilalang abenida, at maging mga putol na kalyehon. Wala pa ring pumapara sa kaniya upang magtanong at kilatisin ang natatanging paninda.
“Tay, saan ka maglalako ngayon?” pahabol na tanong ng apat na taon na anak ni Sendo nang makitang inaayos niya ang papag na papasanin.